Saradong Kamalayan
Nakatingala sa langit
Blanko ang mga mata
Pero kay lalim ng iniisip.
Pilit pinakikiramdaman ang sarili
Ngunit tila walang laman at walang maramdaman.
Parang kaysarap tumanga at di kumibo
Di gumalaw at parang tulala sa bawat minutong dumaraan.
Bakit nga tila nawalan ako ng buhay?
Parang tumigil ang pagikot ng aking mundo
At huminto ang pagtibok ng puso?
Minsan, nararamdaman kong may hiwalay akong pagkatao
Para bang sadya kong inilayo ang tunay kong sarili
Di ko na rin kilala minsan sino talaga ako...
Hirap intindihin at hirap maipadama ang nais kong sabihin.
Tila ako pipi sa sarili kong damdamin.